No, this has got nothing to do with the National Elections.

Sa unang pagkakataon, tagalog ang blog ko dahil: (ay taglish pala)

mas masarap sumulat sa sarili mong wika lalo na pag may matindi kang emosyon na gustong ilabas (gaya ng inis na nararamdaman ko ngayon).

Hindi ako pulitiko, hindi ako pinuno at lalong-lalo nang ayokong sumabak sa pulitika. Narealize ko ngayon na sa kahit anong pagkakataon, sa kahit saang baitang ng pamumuhay mararanasan mo ang pulitika. Kahit ayaw mo siya, ipagsisiksikan niya ang sarili niya sayo.

Ngayon ko lang napatunayan na pwede pa lang maranasan ang pamumulitika kahit sa maliit na organisasyong binubuo ng matatagal nang magkakakilala. Kahit gano kaganda ang mga hangarin ng isang grupo, hindi pala maiiwasan ang pulitika.

Madalas hindi ko pinapansin ang mga nangyayari sa paligid ko, pero iba pala pag nakakabalita ka ng mga bagay na tungkol sayo. Iba pala ang pakiramdam pag tingin mo hinahamak ka at ang kakayahan mo. Iba pala ang pakiramdam ng binabastos ka nang talikuran. Parang gusto mong magwala pero ayaw mo din pumatol.

Madali naman akong kausap, pwede akong pakiusapan at marunong din akong makisama. Dahil tingin ko baguhan ako sa grupong ito, pinipilit kong palawakin ang isipan ko; intindihin ang mga dahilan ng mga mas matatatanda at matatagal nang kasali sa grupo kesa sakin pero hindi ko pwedeng ipagsawalang bahala ang pakiramdam kong nabastusan ako sa ginawa/ sinabi (ginagawa/sinasabi) ng iba.

Para sa mga taong matatagal nang magkakakilala at magkakaibigan, akala ko hindi na dapat mahirap ang magusap-usap… ah, oo nga pala nagusap-usap na, hindi nga lang ako (at ibang miyembro) kasali.

“Small fry” yan ang sasabihin ng dati kong ka- opisina kung ikukwento ko ito sa kanya. “small fry” din ang tingin ko dito – hindi dapat patulan at pagaksayahan ng panahon, pero eto ako at nagaaksaya ng oras para sa blog na ito. Para kasi itong alikabok sa mata – maliit pero nakakinis ang pakiramdam hanggat di mo naaalis sa mata mo. Inaalis ko lang ang alikabok sa mata ko.

Madumi nga pala talaga ang pulitika. Kung nangyayari ito sa maliliit na organisasyon, hindi nakakapagtaka na nangyayari ito sa gobyerno natin. Lahat ng tao gusto ng pagbabago. Sa grupong ito, hinahangad din yan ng karamihan. Makakamit lamang ang pagbabago kung kikilos ang mga tao ng parang isang katawan na may isang isip at isang hangarin.

Nalalapit na ang eleksyon. Lahat nangangako ng pagbabago. Tandaan natin na hindi tayo pwedeng umasa lang sa mga pinuno (o gustong mamuno) ng bansa. Gusto mo ng pagbabago? Makisali ka [tungkulin mo yan bilang mamamayan ng bansang ito] at simulan mo sa sarili mo.

Dito natatapos ang blog na ito. Sa wakas natanggal ko na ang alikabok na kahapon pa pumupuwing sakin. Oras na para pagtuunan ang mga bagay na mas mahalaga pa kesa sa isyung ito.

Buzz it!